Physical Address
304 North Cardinal St.
Dorchester Center, MA 02124
Physical Address
304 North Cardinal St.
Dorchester Center, MA 02124
Lumulusong ang mga karaniwang Pinoy sa baha — walang choice. ‘Yung mga kumita sa DPWH projects, ni hindi magamit ang lahat ng SUV dahil sa dami.
Nakapila ako para bumili ng maintenance meds ko sa Mercury Drug isang umaga nang maulinigan ko sa tabi ko ang isang kóstumér. Nilingon ko ang lalaki. Sa bihis pa lang niya — makintab na printed na t-shirt at naka-gloves — walang dudang isang rider si Kuya.
Habang ako’y nagtatanong sa pharmacist ng mga gamot kong pang-isang buwan, si Kuya Rider naman ay namimili ng mga medisína para sa iba’t ibang sakit sa katawan. Narinig ko, tinanong niya kung magkano ang gamot para sa sakit ng tiyán, kirót ng ipin, pamamanhid ng braso’t binti, at saka sakit ng ulo.
Ang nakatawag-pansin sa akin sa pamimili ni Kuya Rider ay, sa bawat gamot na kanyang itinanong, isang piraso lang ang binili niya. Nasabi pa nga niya sa pharmacist, pang-paunang lunas o “first aid” lang muna. Umagang-umaga ‘yun — marahil, mag-uumpisa pa lang maghanapbuhay ang rider, meron na agad siyang iniindàng sakit sa katawan. Kaso, hindi niya “afford” ang maraming gamot, kaya paisa-isa lang siya kung bumili.
Umangat sa isip ko ang kuwento ni Kuya Rider — at marahil ng libo-libong karaniwang Pinoy na tulad niyang araw-araw nagbabanat ng buto — dahil sa mga nag-viral sa social media na mga post tungkol sa ubod ng rangyâng lifestyle ng mga politiko at mga kontratista ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dahil nga tambay lang tayo, nakahanap ako ng oras mapanood sa Youtube ‘yung mga interview nina Julius Babao at Korina Sanchez sa mag-asawang Sarah at Curlee Discaya. Ito raw ay “rags to riches” interviews.
Ibinandera sa vlog ni Julius ‘yung 40 luxury SUVs sa indoor parking area ng mga Discaya, at ‘yung tone-toneladang pampasuwerteng mga kristal na nakakalat sa building/bahay nila, kasama ang mga gahiganteng estátwa na iniukit sa jade na pampabuwenas din daw.
Habang pinanonood ko ‘yung “ipinapasyal” ng mag-asawang Discaya si Julius sa iba’t ibang mamahaling SUV nila, naalala ko bigla ‘yung libo-libong sapatos ni dating first lady Imelda Marcos. Nung umeskapo ang pamilya-Marcos sa Palasyo nung huling gabi ng 1986 People Power Revolution, dinumog ng taumbayan ang loob Malacañang. Isa sa nakita nila sa Palasyo ang isang palapag ng hile-hilerang koleksiyon ng mamahaling mga sapatos ni Imelda.
Dati nang may bulong-bulongan na isang bodega raw ang mga mamahaling sapatos ni Imelda. Pero nang makita ng taumbayan na totoo pala ito at hindi haka-haka, lalong kumulo ang dugo nila. Sa mata ng tao, naging simbolo ng kalabisan ng pamilya ng diktador ang mga sapatos na ‘yon.
Ang itinutumbok ng dalawang vlog nina Julius at Korina ay kung paano umahon mula sa kahirapan hanggang sa naging bilyonaryo ang pamilya nina Sarah at Curlee Discaya. Binanggit sa parehong vlog ‘yung insidenteng sumuóng sa malakas na ulan at baha si Sarah nang kasagsagan ng bagyong Ondoy para lang makubra ‘yung tsekeng ibinayad sa kanila. Sa kuwento ni Sarah kay Korina, parang eksena sa pelikula daw ‘yun kasi umaagos ang luha niya habang naglalakad sa ulan, awang-awa sa sarili niya. Hindi raw niya inindá yung baha, dahil kailangan niya ‘yung tsekeng ibinayad sa kanila.
Ang jackpot daw sa buhay ng mga Discaya ay dumating noong, bilang kontratista o developer, naging kliyente nila ang DPWH. Ang mismong tanong ni Julius: “Ano ang naging gateway para gumanda ang buhay ’nyo?” Ang sagot: “Nung nag-DPWH kami.” Sayang at hindi sinundan ni Julius ang pag-uusisa: Bakit para silang tumama ng limpak-limpak na salapi sa lotto nung naging kontratista sila ng gobyerno?
Doon sa panayam ni Korina, nasabi ni Sarah D na may mga flood-control project sila. Nandoon nga sa listahan na inilabas ng Palasyo ang mga kumpanya ng pamilya-Discaya.
Kung ang bagyong Ondoy ay humagupit sa Maynila noong September 2009, ibig sabihin mahigit 10 taon lang ang lumipas para magkatotoo ang, ‘ika nga, pag-ahon sa kahirapan ng mga Discaya. Para itong nagkatotoong hiling sa mahiwagang lampara.
Hindi naman kasalanan ang maging mayaman. Kung wala kang inagrabyado o tinapakan sa iyong pag-angat, ayos lang naman ‘yun.
Ang medyo hindi maganda ang hulog sa pananaw naming mga tambay ay ‘yung ibinabandera mo ang iyong kinamál na yaman.
Ang dumadalas at lumalalang pagbaha sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas ang nagpapainit sa ulo ng mga karaniwang Filipino. Kasi nga naman, bilyong-bilyong piso taon-taon ang ginagastos, pero walang pagbabago sa pagbaha. Lalo-lalo pa nga yata lumalala. Ngunit, taon-taon, sila at sila pa rin ang mga kontratista ng bilyon-bilyong pisong mga project.
Lumulusong ang mga tambay at mga karaniwang Pinoy sa baha — dahil walang choice. Samantala, ‘yung mga kumita sa DPWH projects, ni hindi magamit ang lahat ng SUV dahil sa dami.. Sa bibig mismo ng mag-asawang Discaya galing ang komento ukol sa hindi nagagamit na mga sasakyan.
Nabanggit din naman dun sa mga vlog nina Julius at Korina ‘yung pagtulong ng Discaya family sa mahihirap. ‘Ika nga nila, “Alam namin kung paano maging mahirap.” Lalo ngang dumami ang humihingi ng tulong sa kanila nung nakaraang eleksiyon ng Mayo.
Sa isang report ng DPWH — at nakita ko mismo sa pampublikong ospital namin dito sa Mandaluyong — tuwing may pagbaha, maraming dinadala sa pagamutan dahil sa sakit na leptospirosis.
Naalala ko tuloy si Kuya Rider na nakatabi ko sa Mercury. Isang tableta lang sa bawat sakit ng katawan ang kaya niyang bilhin. Sayang, walang vlog na mapapanood tungkol sa araw-araw na paggapang ng mga katulad niya.
Hindi kasi pang-lifestyle interview ang buhay ni Kuya Rider. Hindi pang-inspire. – Rappler.com