Physical Address
304 North Cardinal St.
Dorchester Center, MA 02124
Physical Address
304 North Cardinal St.
Dorchester Center, MA 02124
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Sa mga di marunong magmahal at magtulay, mainam maunawaan ang ugnayan at pagkakaiba ng Tagalog–Pilipino–Filipino
Sa loob at labas ng Buwan ng Wika, maaari tayong lumikha ng natatanging pahayag na may kinalaman sa pag-unawa natin sa ating wikang pambansa:
Magsalita nga táyo ng Tagalog ngayong Agosto! Teka, Pilipino pala. Di ba pareho lang ’yan sa Filipino?
Unahin na natin ang Tagalog. Isa ito sa 135 katutubong wika ng bansa na sinasalita sa iba’t ibang lugar sa Luzon. Tulad ng ibang katutubong wika natin, sumailalim ito sa paglinang at modernisasyon dahil sa pagpapalaganap ng mga manunulat at bayani ng lahi. Ginamit ng ating mga rebolusyonaryo’t nagtindig ng isang bansang malaya. Ang wikang ito ang piniling batayan ng ating wikang pambansa, ayon sa Proklamasyon Blg. 134 ni Pangulong Manuel L. Quezon noong 1937.
Bago pa humantong sa paghirang ng Tagalog bilang batayan, naging sandigan nito ang rekomendasyon ng pag-aaral ng Institute of National Language (INL), na nalikha naman dahil sa Batas Komonwelt Act Blg. 184. Nilikha ang INL (na KWF ngayon) para tuparin ang tadhana ng 1935 Konstitusyon hinggil sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa na batay sa mga umiiral na katutubong wika. Buhat naman ang seksiyong ito sa mga naging paninindigan para sa paggamit ng sariling wika noong 1934 Kumbensiyong Konstitusyonal.
Kung paiikliin, mas pinili ng ating mga naunang mambabatas na gamitin ang sariling wika natin sa halip na nakasanayang Ingles at Español.
Tatawagin ang noo’y Tagalog/Wikang Pambansa na Pilipino sa bisa ng Atas Pangkagawaran Blg. 7 ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959. Mapapansin sa atas na ito ang paghahangad na maiugnay ang ating pagkabansa sa ating wikang pambansa.
Mapapansin din dito na may paghakbang na ang ating wikang pambansa mula sa tawag na Tagalog sa pagbansag dito na Pilipino. Pero sa isang bansang maraming katutubong wika, di talaga maiiwasan ang masisidhing paggigiit para sa ating mga wika at pinagmulan. Hindi naman iyon masama. Sa kaso ng ating wikang pambansang Pilipino nagkaroon ng maraming bakbakan na tinatawag pa ngang mga digmaang pangwika (language wars) noong dekada ’60 at ’70. Kaliwa’t kanan ang pasabog at depensa. Nagkakasuhán. Umabot pa sa Korte Suprema. Tiyak na marami ring nagkasamaan ng loob sa hanay ng mga manunulat, lingkodbayan, akademiko, at iba pang may malasakit sa ating wika.
At ano ang isinilang mula sa sigalot na ito? Ito na ang tatawagin nating Filipino simula sa 1973 Konstitusyon (na kasama pa rin ng Pilipino) at 1987 Konstitusyon. Ang turing na natin sa Filipino ngayon mula sa umiiral na konstitusyon, ang Filipino ay patuloy na pauunlarin at payayamin sa pamamagitan ng mga wika sa ating bansa, katutubo o banyaga man.
Ito na ang Filipino natin. Hindi na lámang Tagalog kundi pinayayaman ng sinumang nagsasalita ng anumang wika sa loob at labas ng ating bansa. Filipino itong nililinang mulang danas ng mga kapatid nating Ivatan ng Batanes hanggang sa Sáma ng Tawi-tawi. Wikang pambansa itong hindi dapat ituring na kaaway ng mga kapuwa nito katutubong wika.
Puwede na nating sabihin: Alam ko ang Tagalog na naging batayan ng Pilipino at mas ingklusibo na ngayong Filipino.
Marami pa táyong dapat gawin para sa Filipino at mga katutubong wika natin nang magkasama. Dahil sabi nga ni Rizal, ang di marunong…. Teka, ayon pala sa ating mga historyador at iskolar tulad nina National Artist Virgilio S. Almario at Ambeth Ocampo, di siya ang sumulat noon. Ilatag natin sa susunod! – Rappler.com
Sumusulat si Roy Rene S. Cagalingan ng mga tula at sanaysay. Kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at editor ng Diwatáhan, isang onlayn na espasyo para sa mga akdang Filipino. Mananaliksik siya ng Komisyon sa Wikang Filipino.