Physical Address
304 North Cardinal St.
Dorchester Center, MA 02124
Physical Address
304 North Cardinal St.
Dorchester Center, MA 02124
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Lahat ng bagay ay magkakaugnay sa global universe, at binabago ng atake ng US sa Iran ang security dynamics ng buong mundo
“Nuclear war na ba?” ‘Yan ang tanong ngayon sa harap ng pagsalakay ng Estados Unidos sa Iran, na dalawang linggo nang inuupakan ng Israel.
Nitong weekend, inatake ng US ang tatlong susing nuclear site sa Iran sa ilalim ng Operation Midnight Hammer: naglaglag ang mga B-2 stealth bombers ng higit sa isang dosenang “bunker-buster” bombs sa Fordow at Natanz facilities ng Iran, habang dalawang dosenang Tomahawk missiles naman ang tumira sa Isfahan.
Ang US-Israel strikes laban sa Iran ay ang pinakamalaking atakeng militar ng Western powers laban sa Islamic Republic mula 1979.
Apektado ba tayo? Sa totoo lang, malapit sa bituka natin ang hakbang ni US President Donald Trump na makisawsaw sa giyera ng Israel at Iran. At hindi lang ang Filipino diaspora sa US ang apektado, kundi kahit na tayong nasa Pilipinas.
Sa larangang seguridad, damay ang mga base militar ng US sa Middle East na nasa range ng missile attacks ng Iran. Ilang milyon din ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa Gitnang Hilaga.
Kahit na sinong alyado ng Estados Unidos ay bulnerable sa teroristang atake — at kasama riyan ang Pilipinas na host ng siyam na base ng US na tinutuluyan ng US personnel at pinaglalagakan ng mga armas.
Sa Asya, nagtaasan na ang presyo ng krudo.
Umiiwas ang mga airline sa airspace ng Iran, Iraq, Syria, at Israel. Pero marami nang precedent na nadadamay ang civilian planes sa mga sigalot.
Ayon kay UN Secretary-General Antonio Guterres, ito’y “direct threat to international peace and security.” Nananawagan din siya ng de-escalation, habang pinagdidiinan niya na ang “only path forward is diplomacy.”
Sa kabila ng claims ni Trump na “na-obliterate” o nadurog ang nukleyar na kapasidad ng Iran, may report na inevacuate na ng Iran ang tatlong sites at wala na raw nuclear materials na naiiwan doon. Tugma ito sa assessment ng UN nuclear watchdog na walang mataas na reading ng offsite radiation matapos ang mga pag-atake.
Giit ni Trump, hakbang ito para mapaupo sa mesa ng kapayapaan ang Iran. Dati nang sinabi ng foreign minister ng Iran na mahirap magpairal ng diplomasya sa harap ng mga bomba, at tila hindi magbabago ang astang ‘yan sa pagbomba ng US sa nuclear sites.
Sabi ng Democratic lawmakers at mismong mga ka-partidong Republican ni Trump — dapat humingi ng permiso sa Kongreso si Trump bago siya pumalaot sa combat sa Iran.
Taliwas ito sa inaugural address ni Trump kung saan ipinosisyon niya ang sarili bilang “peacemaker” at magiging puwersa “to stop all wars.”
Ngayon pa lang, mayroong nang mga MAGA na hindi natutuwa sa hakbang ni Trump na nangako noong kampanya na iiiwas niya sa giyera ang Estados Unidos, sa ilalim ng prinsipyong “America First” in contrast sa nakaraang Democratic president.
Sa hakbang ng US at ni Trump:
Sino ang pipigil sa presidenteng bumabaklas ng demokrasya sa US, nagro-rollback sa decades-old efforts ng climate change movement, nag-order ng crackdown sa migrants, at ngayo’y warmonger na nandamay sa US sa away sa Middle East imbes na maging promotor ng kapayapaan?
Lahat ng bagay ay magkakaugnay sa global universe, at binabago ng atake ng US sa Iran ang security dynamics ng buong mundo.
Sinong Amerikano ang gustong madamay ang US sa isa na namang giyera sa Middle East, itaas ang kamay? Bully, basagulero, at promotor ng away — ‘yan si Trump at ‘yan ang dapat mapagtanto ng lahat ng bumoto sa kanya, sampu ng Republicans na sumuporta sa kanya.
Ngayon pa lang, nagbabanta na si Trump ng pinaigting na paglahok ng US sa giyera kapag nag-retaliate ang Iran. Amerika, kapit lang, pero huwag umasa na kaagad itong lilipas. – Rappler.com