Physical Address
304 North Cardinal St.
Dorchester Center, MA 02124
Physical Address
304 North Cardinal St.
Dorchester Center, MA 02124
Nabagok na ba ang ulo mo sa matinding hampas? Eh ‘yung mauntog nang malakas na halos mahilo ka? Ulitin mo ang mga ‘yan nang maraming beses, ganyan ang bugbóg na nararanasan ng mga boksingero tuwing nakikipagbakbakan sila sa ibabaw ng ring.
Sa laban ng karaniwang boksingero, mahigit three rounds na bugbúgan ‘yun, paulit-ulit ang suntok na inaabot nila sa ulo at sa katawan — kung tawagin ng mga tambay ay “sapul sa bodega.” Nung nagko-cover ako ng mga laban ng boksing bilang sports writer (wala pa sa hinagap ng madla ang pangalang Manny Pacquiao noon), ang pamilyar na sigaw ng mga trainer, coach, fans, at maging mga amúyong ay “lawas, lawas.” Ang ibig nilang sabihin ay “suntukin mo sa katawan!”
Mapanganib na hanapbuhay ang pagiging boksingero. Kadalasan, makasisigurado kang pagkatapos ng bakbakan ay umiihi ng dugo ang mga boksingero. Ang paliwanag ng mga doktor dito ay dahil sa paulit-ulit na suntok na inaabot ng mga laman-loob ng boksingero, lalo na sa bato o kidney.
Karaniwang mga labanan pa lang ang pinag-uusapan natin dito. Paano pa kaya sa world-class na sapukan tulad ng mga pinagdaanan ni Manny Pacquiao?
Sigurado akong ang nakararaming mga Pinoy ay nakapanood na ng mga laban ni Pacquiao o Pacman . Ang gawain namin dati ng kumander ko, tuwing araw ng mga laban ni Pacman na lagi namang itinatapat na araw ng Linggo, doon namin tinataong mamili sa Divisoria. Garantisadong halos walang tao sa mga kalye Soler, Ilaya, at Tabora, pati ang mga pasilyo ng 168 Mall.
Ilang taon din ‘yun. Ilang titulo din ang nasungkit na ni Pacman. Ilang world record din ang hinakot ng Pinoy boxing sensation.
Nasaksihan ng sambayanang Pilipino ang tindi ng mga pinagdaanan ni Pacman — manalo o matalo man. Tuwang-tuwa kaming mga tambay tuwing nakasasapul ang malamaso niyang suntok. Ang lakas ng hiyawan sa kanto kung sunód-sunód ang mga buntal niyang malakidlat sa bilis.
Pero sa isang banda, nagimgimbal din tayo tuwing sumasalo si Pacman ng mabibigat na tamà. Napapangiwi pa rin ako tuwing binabalikan ko sa Youtube ‘yung eksenang pinasadsad si Pacman ng kamao ng Mehikanong si Juan Manuel Marquez nung December 2012.
Kaya nung mabása kong muling makikipagsapakan sa ring si Pacman, medyo kinabahan ako. Edad 46 na si Pacman, at apat na taon nang retirado. Ang makakalaban niya ay ang naghahari sa World Boxing Council welterweight, ang Mexican na si Mario Barrios, na 30 anyos lamang.
Ang totoo niyan, marami ang nabagabag sa pagbabalik sa boksing ni Pacquiao — isa na roon si Dr. Edgardo de la Vega. Sa huntahan namin, natanong ko kay Doc Ed kung naiisip din niyang dapat manatiling retirado na lang si Pacman para mapangalagaan ang kalusugan ng Pinoy idol.
“Yes, definitely! In fact I think I even posted in my Facebook account, telling him that he has nothing to prove and should stay retired. Obviously, he didn’t read my posts or he just ignored them.”
Si Doc Ed ay dentistang Fil-Am na taga-Los Angeles sa US. Sa kanya nagpapasadya ng mouthguard si Pacman tuwing may laban ito. Nagsalubong ang kanilang landas nung unang nasabak sa “big time” si Pacquiao — ang makasaysayan niyang salpukan sa Mehikanong alamat na si Marco Antonio Barrera nung October 6, 2003, na ginanap sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Nagdalubhasa si Doc Ed sa paggawa ng mga mouthguard pang-atleta. “I didn’t start making mouthguards out of the blue. I took courses and joined the Academy of Sports Dentistry so I can learn the right way to design and fabricate them.”
May puso si Doc Ed sa mga atleta, lalo na sa mga boksingerong Pinoy na nakikipagsapalaran sa California. Marami sa mga Filipinong boksingero, at kahit sa iba pang combat sports, na dumaan sa kanya ang naging mga world champion.
Sa laban ni Pacman sa July 19 sa Las Vegas, inamin ito ni Doc Ed: “Of course, I am worried big time. But who am I to tell him not to fight anymore? It is his call and his responsibility! Besides, he has made up his mind. No one is going to stop him. I can only wish him well and pray that he will be ok!”
Pagdating sa boxing, si Nick Giongco naman ay isa sa nakaaangat sa mga Filipino sportswriters. Natanong ko rin sa kanya kung nag-aalala ba siya sa kalusugan ni Pacquiao. “When he lost to Marquez by a one-punch KO in December 2012, akala ko end of an era na…. But he has this thing in him na mahirap i-ignore. Kasi he’s been counted out and dismissed so many times, pero he keeps on rising from the grave.”
Dagdag pa ni Nick: “But this one next month is the real stuff. At 46, you can’t blame people for expressing their concern. And they’re basing it on the fact that he’s inactive the last four years.”
Pareho ang naisip namin ni Nick. Binabagabag kami ng katotohanang 46 anyos na si Pacquiao. “While he may be displaying flashes of brilliance during training, it remains to be seen kung ano ang igagalaw niya when he is up against a 30-year-old who punches back,” sabi niya.
Ang totoo niyan, hindi si Pacman ang unang dating kampeon na boksingero na tumalikod sa retirement at muling sumampa sa ring. Mayroong opinyon si Nick sa ganyang ugali na mga “retired champions na in denial.”
Sabi ni Nick: “Even if they wont admit it, mga famous boxers tend to believe and feel that they could handle a young lion. Look at [Muhammad] Ali, Sugar Ray [Leonard].
“Tingin ko lang, ‘yung mga legends have this belief that sila lang ang magaling. And that trait comes with their super elite status. Whenever they see young stars making their way up, ang nasa isip nila is, ‘Di ka uubra sa akin.’”
Ang nakababahala ay ‘yung posibilidad na baka kung mapapaano si Pacquiao. “It would be heartbreaking if one day he gets afflicted with boxing-related maladies,” ‘ika ni Nick.
Ang totoo, sa muling pagsabak ni Pacman ay manggagaling siya sa pagkatalo sa dalawang propesyon na pinasok niya.
Nung huling laban niya bilang pro boxer nung August 21, 2021, natalo siya kay Yordenis Ugas via unanimous decision. Ginanap ito sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
Nung May 12, natalo din siya sa tangka niyang pagbalik sa pagiging Senador. Natalo rin ang iba pang kaanak niya.
Pero ano ba ang magagawa natin? Nakakasa na ang labang Pacquiao-Barrios sa Las Vegal sa Hulyo 19. Ganumpaman, sang-ayon ako nung sinabi ni Nick: “At this point, he has nothing else to prove. Even if he loses this one, intact na ang legacy niya.”
Siyempre, sa Hulyo, pagsampa ni Pacquiao sa ring sa MGM Grand sa Las Vegas, báon-báon niya ang panalangin ng sambayanang Pinoy. Mag-ingat ka, Pacman. Matalo, manalo, mahal ka namin. – Rappler.com